Tatlumpong Q-Tips
Tuesday, 21 October 2008

Bago pa man din ako mapadpad dito, inakala ko, sampu ng mga tagasubaybay ng buhay ko, na magsisimula na akong magtrabaho sa unang araw ng Oktubre. Sabi ko pa nga sa sarili ko parang kulang ang siyam o sampung araw para maging lapat at sanay na ako sa bagong kapaligiran ko. Malaki ang pagkakaiba ng lugar na pinanggalingan ko sa aking tinunguhan.

Gayunpaman, alam ko na sapat na sa akin ang kaunting pahinga. Yung iba nga nagtrabaho agad pagtungtong na pagtungtong nila dito. Sa ganun naman tayo natututo talaga. Huwag lamang kalimutang ipadyak ang mga paa at ikampay ang mga kamay, lulutang ka. Makakaraos at mabubuhay ka hanggang makita mo ang laot.

Dumating ang araw na aking pinangangambahan. Oktubre a-uno. Kinailangan kong lakasan ang loob ko at bumyahe mag-isa sa pamamagitan ng mga pampublikong sasakyan. Inabot man ako ng dalawang oras bago makarating sa opisina ng aking mabuting amo, masarap naman ang pakiramdam nang may natutunan-- tulad ng pagbili ng tiket para sa tren at pagsakay ng bus na walang kundoktor. Akala ko'y yun na ang simula ng aking pakikipagsapalaran sa pagbyahe tuwing rush hour. Mali ako.

Ipinaliwanag sa akin ng aking amo ang sitwasyon. Wala pa akong proyektong pwedeng hawakan. Wala pang kliyenteng pupuntahan. Di na bago sa akin ang kasong ganun sabi ko. Consultant ako sa mahabang panahon sa bansang nilisan. Ikinatuwa ko pa nga na may panahon pa akong magliwaliw at makapagpahinga. May panahon pa ako upang matutunan ang mga bagay-bagay sa loob ng bahay at bakuran ng aking tinutuluyang tahanan. Ikinatutuwa ko ang bawat gawaing sinusubukan kong gawin-- mula sa pagmamaneho ng trak na panggapas ng damuhan, ang pag-iipon ng mga nalaglag na dahon, ang paglilinis, at ang pagluluto na napagtitiyagaan naman yata ang lasa paghain sa hapagkainan.

Hanggang makaramdam na ako ng hiya. Sa sarili ko at sa mga taong kumukupkop at nag-aaruga sa akin dito.

Ngayong ika-bente-uno ng Oktubre ang aking ika-isang buwan dito sa bansang banyaga. Isang buwan na akong palamunin ng kuya at ate-hipag ko.

Tatlumpong araw, tatlumpong gabi, tatlumpong Q-tips na ang aking naubos.

Hindi lang minsan sa isang araw ko buksan ang pinto ng sisidlang palamigan at ng paminggalan nila upang dumukot ng makukutkot. Ang dating apat na sisidlan nila ng tubig na kasya sa kanilang tatlo sa isang buwan, ngayon nagkukulang na. Madami na akong bigas at oatmeal na nakain (hindi kasi ako nagkakanin minsan). Madaming ulam at prutas na ang aking naubos. Naubos ko na ang mga nakatabi nilang M&Ms na para sa pamangkin ko (hindi lang yun ang naubos ko). Malakas din akong uminom ng gatas at tsaa. Mauubos ko na ang sabong panligong binigay sa akin ni ate. Madaming mainit na tubig na ang aking napanligo. Madaming sabong-panlaba at fabric-conditioner na ang nagamit ni ate sa damit ko sa tuwing isinasama niya ang mga damit ko sa labada. Idamay pa natin ang kuryenteng nagagamit ko sa napakagara at napakalaking kwartong inilaan nila sa akin. At sa tuwinang lalabas kami at mamimili, mayroon din sila para sa akin. Ang mga ito at napakarami pang iba na ginagawa at ibinibigay nila sa akin... hindi ko na yata kayang tumanggap na lang nang tumanggap. Hindi ganito ang nakagawian kong buhay.

May kaunting kita ako buwan-buwan (salamat sa PayPal at sa hilig ko sa pagsusulat). Iniabot nga sa akin ni kuya kahapon nang mag-withdraw siya sa bangko. Gusto ko sabihin huwag na lang niya ibigay sa akin. Gusto ko sabihin idagdag na lang nila sa panggastos nila pero magkano lang naman ang aking kinita, baka pagtawanan lang nila ako.

"Yehey! May tigbe-bente na uli ako!" ang tawa namin ng kuya ko nang masambit ko iyon. Ang mga naiwan na lang kasi sa pitaka ko ay ang mga baryang isinukli sa akin sa bilihan ng tiket nang minsang nag-tren ako. At pag wala silang cash (hindi uso ang may cash dito), ikinagagalak kong iabot sa kanila ang laman ng pitaka ko kahit na sabihin nating tigwa-one dollar lamang iyon (ang iba coins pa). Masaya kasi yung pakiramdam na may nadudukot pa din ako kahit paano.

Minsan naisip ko sana sa isang sulok ng bahay na lang ako namamalagi. Sapat na sa akin ang espasyo na kasya ang yoga mat at doon ako matutulog tulad ng dati. Para kahit paano di masyado malaki ang espasyo na nagagamit ko sa kanilang tahanan. Minsan naisip ko sana isipin nila na wala ako dito, nang sa gayun di ako makadagdag sa mga isipin o mga ikinababahala nila. Ayokong maging pabigat. Hindi ko iniwan ang simpleng buhay ko sa Pilipinas na minsan nang nabansagang "buhay na walang patutunguhan" upang iasa sa iba ang aking kinabukasan ngunit ano ang aking magagawa?

"Maghintay ka. Lasapin mo ang sitwasyon mo ngayon."

Iyan ang madalas kong marinig ngayon. Dadating din daw ang oras ko. Makakamtan ko din ang mga ninanais ko. Maaabot ang mga nais abutin. Mabibili ang mga nais bilhin. May madudukot sa sariling bulsa at may maiaabot sa mga taong nais abutan, sa mga taong nais matulungan.

Ahhh... kung alam lang ninyo ang aking pakiramdam.

Ang aking lubos na pasasalamat sa mga taong nagmamahal at umaaruga sa akin sa ngayon. Wala man akong maibabalik pa, hindi ko man masabi o maipakita nang lubusan, ako ay nagpapasalamat. Dinamitan ninyo ako nang ako ay dumating dito, binalot sa init ng pagmamahal nang ako ay sobrang ginaw na ginaw (ang lamig dito!!!), kinupkop, at pinapakain araw-araw.

MARAMING SALAMAT sa tatlumpong araw na pag-aaruga sa akin.

Bukas dudukot na naman ako sa kahon ng Q-Tips.


One person has commented on this article.
 1. Untitled
tito joe, Unregistered
nung dumating ako rito... tatlong buwan akong paikot-ikot sa mga kapatid at kaibigan...namasyal, nakapunta ng las vegas (dito naubos ang kaunting baon ko)...at lumipas pa ang tatlong buwan para ako'y makakita ng pansamantalang trabaho...at sa tiyaga, isa pang taon bago makakuha ng permanenteng trabaho...

kaya ayos pa ang kalagayan mo...
 Posted 2008-10-22 11:54:21
Please keep your comments brief and on topic, and remember that this is not a discussion thread.
Name :
E-mail :
Website :
Comment(s) :
J! Reactions 1.09.00 • General Site License
Copyright © 2006 S. A. DeCaro
 
< Prev   Next >