MEMBER OF:




Samahan mo Ako Sa Aking Field Trip
Wednesday, 20 August 2008

Mandaluyong, San Juan, Manila, Quezon City, Makati City... Naikot ko ang lahat ng iyan sa loob ng isang araw bitbit ang itim kong The North Face bakpak na may lamang gym gear  at isang malaking folder ng mga dokumento.

May short-cut akong alam papunta sa Maceda (Sampaloc, Manila) ngunit pinili ko ang long-cut. Wala naman akong iba pang gagawin sa natititirang oras ng sa araw na iyon. Binalak kong mag-gym bago baybayin ang daan tungo sa Manila pero ewan ko ba, pakiramdam ko, ako ay nanghihina pa. Ilang araw din kasi akong nagtulog at nagpahinga gawa ng ubo't sipon ko. Hindi ko nga naubos ang order kong Gourmet Tuna sandwich at Caesar salad sa Chaikofi (oo, ibig sabihin ng Chaikofi, may nagawa na naman akong makabuluhan sa araw ko). Dumaan na lang ako sa chapel (The Shrine) at iniabot ang kalahati ng pagkain ko sa isang matandag babae sa labas na nanlilimos. Ewan ko kung bakit sa kanya ko binigay, may mga bata naman na iba doon... maaaring naisip ko na siya lang kasi ang matanda, ang mga bata baka mag-agawan pa at magkasakitan sa maliit na bigay ko.

Sumakay ako ng berdeng G-Liner na bus mula Ortigas at tinahak namin ang bayan ng Mandaluyong at San Juan hanggang sa makarating kami sa Quiapo. Nakatulog ako sa ibang parte ng San Juan ngunit ninamnam ng mata ko ang bawat madaanan namin.


Buhay na buhay pa din ang SM Sta. Mesa na takbuhan ng mga nagka-cutting classes nung nasa USTe pa ako. Wala pa kasing SM San Lazaro, SM Manila, at Robinson's Place Manila noon. At syempre wala pang parang maliit na mall sa loob ng USTe noon. SM Sta. Mesa o SM North EDSA lang ang pinakamalapit. Ang SM Sta. Mesa, isang sakay lang ng bus na may nguso sa Forbes. Ang SM North EDSA, isang sakay lang ng jeep sa Espana.

Nagawi rin ang bus sa Recto at Quiapo. Hindi na ako madalas masadlak sa mga lugar na iyon at maaaring matatagalan muli na ako ay mabigyan ng pagkakataong makatapak doon. Pilit kong minimemorya ang bawat sulok at pasilyo.

Nakita ko ang overpass kung saan nadukot ang wallet ko nung second year high school ako sa UST-EHS. Yun ang unang beses na nadukutan ako. Tanga ko kasi, noon pa man, mahilig na akong mag-bakpak. Pero sa halagang isang lumang wallet (peyborit ko pa naman), ID ko (nakapanghihinayang, orihinal na ID ko pa naman yun nung high school), mga larawan (uso noon ang wallet na may mga lagayan ng pictures), at limang piso (may limang pisong papel pa noon, at yun lang ang laman ng wallet ko), natutunan ko ang isang munting aral-- ilagay ang bakpak sa harapan mo sa tuwing nasa mataong lugar ka. Katulad nun, naglalakad lang ako sa overpass noon sa may Central Market (ewan ko kung natatandaan nyo pa yung lugar na iyon), pagdating ko sa school, wala na ang peyborit kong wallet. Mababait ang mga ka-klase ko noon. Nanghingi ako ng tig-piso sa iba para may pamasahe ako pauwi. Sa Mayon St. Sta. Mesa Heights Quezon City pa ako nakatira noon (buhay pa ang apartment dun nung minsang nadaan ako nung Pebrero, pero sobrang napakaluma at bulok na sa paningin ko). Mula sa tig-pi-pisong nakulembat ko sa mga ka-klase ko, nakakain pa ako ng cheese sticks sa kanto ng P.Noval. Yung ID ko, wala na tulad ng mga memoryang nakapaloob doon sa mga larawang nasa wallet ko. Kumuha na lang ako ng bago gumawa na lang ako ng bagong memorya.

Bumaba ako ng bus sa Quiapo at doon sumakay ng FX papunta Espana. Bababa ako sa Maceda.

Ang Espana, Dapitan, Laon-Laan, at Dimasalang, kung gano kataas ang pagbaha dito tuwing tag-ulan, kung gano kadami ng tubig ang umaagos dito, ganun din kadami ang memoryang nakapaloob dito para sa mga naging estudyante ng UST at ng mga kalapit nitong paaralan. Naranasan na naming lakarin ng mga ka-klase ko ang Laon-Laan. Doon namin naranasan ang lumaban at minsan sumabay sa agos ng tubig. Ingat lang baka sa manhole ang patutunguhan.

Pagkatapos ng aking sadya sa Maceda, muli akong sumakay ng FX. Long-cut uli ang nasakyan ko. Tinahak namin ang Quezon Ave. at lumiko kami sa West Ave. patungo sa EDSA. Balak kong mag-bus uli mula EDSA patungo sa Makati ngunit nang makita ko ang oras, kumaripas na ako ng lakad patungo sa MRT North-EDSA station (nalanghap ko ang simoy ng EDSA habang naglalakad--- mausok at nakakasulasok). Hindi bale, madalas ko naman daanan ang EDSA. Hindi ko pa siya gano nami-miss.

Bumaba ako sa Ayala at mula doon, dumaan ako muli sa Greenbelt chapel, lumuhod ng kaunti at hiniling na sana huwag munang bumagsak ang nagbabadyang malakas na ulan. May kailagan pa akong pick-up-in sa Buendia at nais ko sanang gawin ang madalas kong ginagawa-- ang mag-brisk-walk mula Ayala hanggang sa amin. Nais ko pa ding kumain muna sa may KFC sa kanto ng Buendia at Chino Roces. Nagutom na naman ako. At nais ko ding bumili ng dalawang buko mula sa mamang magkakariton.

Sa lakas ng kapit ko sa wish ko na huwag munang bumagsak ang ulan, ako ay naglakad kahit nagdidilim na ang kalangitan at lumalakas na ang ihip ng hangin. Nagawa ko lahat ng nais kong magawa nung hapong iyon. Hindi nga lang ako sa KFC nakakain kundi sa McDo sa kabilang sulok ng Buendia/Chino Roces. Naisip ko kasi sobrang dami na ng bitbit ko para balikan ang magbubuko na naka-pwesto sa may McDo kung sa KFC pa ako kakain.

Bitbit ko sa aking likuran ang bakpak kong may lamang gym gear, isang malaking folder na may lamang dokumento, at apat na makakapal na aklat na ni-pick-up ko sa NSOCANA photo copying center. Sa aking kanang kamay bitbit ko ang nakasupot na sabaw ng dalawang buko. Sa aking kaliwa hawak ko ang napupunit nang supot dahil sa bigat ng mga aklat na aking pinakopya. At sa aking isip at damdamin bitbit ko ang aking  panalangin-- "Diyos ko po, huwag Mo po munang ibubuhos ang ulan, wala na akong kamay para dukutin at hawakan ang payong ko."

Nilakad ko hanggang sa amin. Sabay buhos ng ulan pagpasok ko sa gate namin.

Hindi ko man nagamit ang gym gear na dala ko buong araw. Higit pa sa work out ang aking nagawa. Pakiramdam ko, menus ang mga baon na tsitsiria at soda, ako ay nagkaron ng munting field trip kahapon. Napagod ako ngunit hindi matatawaran ang pakiramdam ko nang muli kong makita ang mga lumang daanan at pasilyo na minsan ko ring pinasukan.


Napakasarap ng malamig na sabaw ng bukong nabili ko matapos ng aking paglalakbay. Nawa'y kahit paano ikaw rin ay nakapaglakbay.

 

No one has commented on this article.
Please keep your comments brief and on topic, and remember that this is not a discussion thread.
Name :
E-mail :
Website :
Comment(s) :
J! Reactions 1.09.00 • General Site License
Copyright © 2006 S. A. DeCaro
 
< Prev