Stop & Shout


MEMBER OF:



Get Paid Money to Blog


Pers Day-Out ni Maenggay
Wednesday, 01 October 2008
Sa pang-sampung araw ko sa bansang banyaga, bigla nagtawag ng meeting ang employer ko. Wala pa siyang mabibigay na trabaho sa akin ngunit gusto nya daw ako makita at makausap ng personal nang mailatag sa harapan ko ang mga plano niya sa akin.

Magkahalong nerbiyos at excitement ang naramdaman ko. Nerbiyos kasi hindi ko pa nararanasang bumyahe dito gamit ang mga pampublikong sasakyan. Madalas pag lumalabas ako, may kasama ako. May sumusundo sa akin at may naghahatid. Ganun pa man alam ko dadating ang araw na kakailanganin ko nang sumugod nang mag-isa. Muli kakailanganin kong tumalon sa karagatan, ipadyak ang aking paa, at pag-aralang lumangoy sa kung saan.

Dumating ang araw na iyon ngayon. Handang-handa ako. Muli inilabas ko ang tampipi ko na naglalaman ng mga barya. Panalangin ko na huwag akong malito pag oras na ng bayaran. Ang mga coins, hindi ko pa kasi sila kabisado.

"A penny is a cent, a nickel is a 5-cent, and a dime is a ten..." paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko. Tinanong ko pa nga uli si ate kung tama ba yung sinasabi ko. Kabisado ko na sila ngayon.

Tinulungan ako ni ate na kunin sa internet ang mga bus at train schedule ng mga sasakyan ko. Kailangan kong pagdugtong-dugtungin o pagtugma-tugmain ang oras ng byahe ng bawat isa para makarating ako sa aking destinasyon. Sa ngayon, walang kaso ang oras. Basta sabi ng employer ko, mga alas-diyes ng umaga kami magkita. Kung ano ang sasakyan kong bus, kung saang platform o track ako lilipat, yun ang mas mahalagang matutunan ko.

Wala pa akong pambili ng sarili kong sasakyan. Ni SS# nga wala pa ako. Mabuti na lang sobrang kinakatuwaan ko ang mag-commute kahit noong nasa 'Pinas pa ako.

Ayon sa aming nakuhang impormasyon, apat na beses ako sasakay-- isang bus papunta sa isang train station, dalawang train rides, at isa uling bus papunta na sa opisina ng employer ko. Di muna ako sumakay ng bus papunta sa unang train station. Hinatid ako ng ate ko. Mejo malayo din ang train station mula sa tinutuluyan kong bahay.

Pagkababa ko ng sasakyan ni Ate, yun na... nanlamig na ang buong katawan ko. Ito ang unang pagkakataon na wala akong kasama dito.

Tinitigan ko ang mga nakapaskil na detalye ngunit wala akong naintindihan. Ewan ko. Ingles naman yun. Wala dapat problema. Ngunit para akong naging bobita. Pinagtatawanan ko ang sarili ko.

"Gising Maenggay! Gising!"

Lumapit ako sa bilihan ng ticket. 'nak ng pating! Touch screen! Paano ako magtatanong sa touch screen?!!

"Exciting pa rin ba Maenggay?"

Oo naman! Simula pa lang ito!

Buti na lang at walang gaanong tao, kundi baka binatukan na ako nung nasa likod ko noong nakatitig lang ako sa monitor. Nang maramdaman kong malapit na magdugo ang ilong ko sa kakaisip, naglakas-loob na akong magsalita.

"Hi. How do I get my ticket going to this station?", naks! Nage-ingles na ako!!! Nagtanong na ako sa mamang naglalakad.

Pinindot ng mama ang screen at sa keypad pinindot nya ang tatlong itlog-- "000".

Umalis na sya sabay sabing, "I'm catching my train..."

Ako naman titig sa screen... $8.50 nakalagay. Shock ako! Ang mahal! Teka... $27 and some quarters, dimes, nickels, and penny na lang ang natitira sa $35 na pabaon ng nanay ko sa akin. Apat na sakay ako ngayong araw na ito. Kasya ba ang baon ko? Makakauwi pa ba ako sa bahay?

May kutob ako na mali ang pinindot ng lalake. Gumana na ang mga senses ko kahit paano. Mali ang intindi nya sa sinabi ko (expected ko na yun. Magkatunog kasi at di pa ako slang). Binasa ko ang codes ng mga station at yun inulit ko na lang yung code sa screen.

"100" dapat ang ilagay ko. $5.50. Mahal pa din pero ano ang magagawa ko di ba?

Naghulog ako ng 20-dollar bill. Di ko pa kasi makita kung nasaan yung hulugan ng coins at ayoko na magtagal pa sa harap ng machine. Yun... natuwa naman sa akin ang machine. Sinuklian naman niya ako ng sandamakmak na barya! Ngayon ang laman ng tampipi ko pitong one-dollar bills at puro barya.

Kung sa 'Pinas, pag ang laman ng wallet ko ay mababa na sa limang-daang piso, nagpa-panic na ako. Dito wala ako magagawa mag-panic man ako sa laman ng wallet ko.

Kung sa 'Pinas sisiw sa akin ang mag-taxi, dito di ko na yata magagawa yun kung sa isang train ride lang eh $5.50 agad ang bagsak. Di ako nagko-convert from dollar to peso. Wala pa nga akong iko-convert eh! Heto nga nabawasan na ang pabaon ng nanay ko sa akin. Mabuti naman at ang sumunod na train ride ko $1.75 na lang ang pamasahe. Dalawang istasyon lang kasi ang tatahakin ko.

Pagbaba ko sa pangalawang train ride ko, hinanap ko na ang sakayan ng bus papunta sa opisina ng employer ko. Dito ako nagtagal ng higit bente minuto yata. May mga platforms at ang bus di katulad sa atin na naka-display lahat ng karatula sa harapan. Ultimong "KAKAIN LANG PO" o "UUWI NA PO" minsan nilalagay pa nila.

Dito, numero lang ang naka-display sa bawat bus. Nagtanong ako. Ang sabi nung unang pinagtanungan ko, bus 88 ang sakyan ko. Kaya nagpunta ako sa platform kung saan humihinto ang bus 88. Ngunit ewan ko ba, parang may nagsabi sa akin na hindi iyon ang dapat kong sakyan.

Nagtanong ako sa kundoktor. Tinuro lang ako sa kanto. Sa sumunod na bus, nagtanong ako sa babaeng drayber na mukhang pinay, medyo mataray-- ang sabi lang niya hindi iyon ang dapat kong sakyan.

Lumipat ako sa kanto. Tinawag ang pansin ng isang babae-- naka-earphones pala. Pero sinagot naman niya ang tanong ko-- Hindi daw niya alam.

Nilapitan ko ang isang mama. Mukhang Mexican. Siya ang nagturo sa akin kung saang platform ako dapat. Salamat ng marami, mamang Mexicano.

Pagdating ko sa platform na sinabi niya, iba-iba uli ang mga bus na dumadaan. Ayoko na magtanong sa kung kani-kanino lamang.

"Nasa US ako, bakit walang information booth o opisina na maaari kong lapitan para pagtanungan tungkol sa mga bus schedules and trips?!"
tanong ko sa sarili ko. Hanggat maaari ayokong magtanong sa mga estrangherong nakatayo lang sa isang tabi o kaya naman sa mga nag-aabang din ng bus. Malay ko, baka pareho kaming turista.

Bumaba ako sa platform. May mga opisina ngunit parang walang tao. Hindi rin uso ang guwardiya dito.

Nakakita ako ng mama. Janitor yata siya at tingin ko Mexicano din siya (mahilig akong manghula ng nasyonalidad ng mga tao dito-- minsan naman ako ang napagkamalang haponesa). Mabait ang mama. Sabi niya tama ang platform na pinuntahan ko at ang sakyan ko daw na bus ay ang may numerong 10. Salamat uli mamang Mexicano.

Ang mga anghel yata na pinadala ni Lord sa akin ngayon ay mga Mexicano. Ano kaya ang lahi ng anghel ko sa susunod?

Kahit ano pa man, nagpapasalamat ako. Naaliw ako sa unang araw ko ng pagtatangkang mag-commute. Nakarating ako ng payapa at maayos sa aking patutunguhan. Siguro sabi ni Lord tama na muna ang excitement na yun sa isang araw. Kasi gustuhin ko mang matutunan din ang pagbyahe pauwi,  sa bandang kalagitnaan ng aking adventure, nagmagandang loob ang aking employer na ihatid na lang ako. Malaking tulong ang GPS dito-- kahit saang sulok, matutunton mo.

Pumayag na rin ako pahitid. Una, para makatipid (di ba nga sabi ko puro barya na lang ang laman ng wallet ko?). Pangalawa, magla-lunch pa daw kami (salamat at na-treat nila ako ng lunch). Kumain kami sa Houlihan's sa may South Cove Plaza sa Bayonne, NJ. Dun daw nila madalas gawin ang mga meeting nila sa clients nila.

Malakas ako kumain. Pero taob ang lakas ko sa pagkain dito sa laki ng mga servings. Hindi naman bago sa akin ang malalaki ang servings dahil sa 'Pinas may mga restaurants na rin naman na pareho ng servings. Pero kung madalas na malalaki ang servings na ihahain sa akin (yun ang normal dito), nalulunod na ako. Nasusuya. Di na ako naaaliw. Lalo pa't nakikita ko ang plato ko na madaming tira tulad kanina. Ang order ko ay ang Classic Reuben sandwich nila. Naubos ko naman ang sandwich kasi wheat bread siya. Pero yung fries, ni hindi ko nagalaw. Hindi ako fan ng fries pero di rin ako sanay na nakikita ko ang plato ko na may tirang pagkain. Maraming hindi nakakakain.

Wala pa akong trabaho ayon sa aking employer. Wala pa silang maipapahawak na kliyente sa akin. Ayos lang sa akin. Natutuwa pa nga ako. Aba! Masarap yata ang maging bakasyonista! Kaso nga lang syempre wala akong kwarta.

Di ko rin naman hahayaang mahinto ang utak ko sa pag-andar. Kailangan ko na muling hasain ang kukote ko sa mundo ng programming. May mga aklat na kailangan ko nang buklatin. At may naghihintay na Anti-Money-Laundering (AML) system na kailangang aralin.

Isa lang ang dasal ko patungkol sa aking trabaho dito-- na sana ang ibigay sa akin ng Poong Maykapal ay ang trabahong kakatuwaan ko at aking mamahalin. Kung di lang naman ganun ang mangyayari, hayaan na munang ako ay paupuin.

Maaaring totoo ang sabi nila na mabilis ang takbo ng buhay dito sa bansang banyaga. Pero hindi ako nagmamadali. May tahanang kumukupkop at pamilyang umaaruga sa akin. At di ako nababahala. Alam ko dadating ang araw na maibabalik ko din sa Kanya ang lahat ng biyayang iniaabot Niya sa akin.

Hosya. Ako'y tatakbo muna either sa treadmill o sa pantry na puno ng pagkain.

Readers have left 5 comments.
 1. Untitled
ria, Unregistered
pengeng fries!
 Posted 2008-10-02 11:24:07
 2. Untitled
jao, Unregistered
parang mahal nga ata dyan pamasahe mae ahh.. alam ko dito 1.50 lang train kahit gaano kalayo at pwedeng gamitin ulit basta di lalampas ng 2 hrs.
 Posted 2008-10-02 21:29:16
 3. Untitled
mae, Unregistered
honga jao eh.. tsk!

ria, naku! snob ang fries talaga sa akin dito haha!
 Posted 2008-10-02 21:56:36
 4. Untitled
weng, Unregistered
nakakatuwang basahin ang blog mo! hehehe.. parang naiimagine ko ang kakulitan mo
ingats parati. hehehe.
 Posted 2008-10-14 13:38:56
 5. Untitled
mae, Unregistered
glad you're keeping yourself updated here wenggay.. :)
 Posted 2008-10-14 23:58:58
Please keep your comments brief and on topic, and remember that this is not a discussion thread.
Name :
E-mail :
Website :
Comment(s) :
J! Reactions 1.09.00 • General Site License
Copyright © 2006 S. A. DeCaro
 
< Prev   Next >