Nakasagasa ako!
Tuesday, 07 October 2008
Sobrang lamig ngayon dito. Nang makita kong nagpuputol ng mga kahoy mula sa luma nilang deck si ate gamit ang electric saw, parang gusto ko na ring makisawsaw para pagpawisan naman ako. Gusto ko nga itak ang gamitin ko para mas may effort, mas nakakapagod, mas pagpapawisan ako. Isa pa, malamig man sa labas, maganda naman ang sikat ng araw.

Di ako pinayagang gumamit ng itak. Baka masaktan o masugatan ko daw ang sarili ko. Pinakuha na lang sa akin ang martilyo sa basement at yun na lang muna daw ang gawin ko-- pukpukin at itupi ang mga pakong nakausli sa mga kahoy.

Malapit na kasi ang bulky-waste pick-up dito. Ganun pala dito. Hindi mo basta-basta maitatapon ang lahat ng bagay. Kailangan na naming ihanda ang mga malalaking kahoy para sa araw na iyon. Kailangan di lalagpas sa labin-dalawang talampakan ang haba ng mga kahoy. Ang mga mahahaba, kailangan putulin.

Umalis sila upang ihatid ang aking pamangkin sa kanyang swimming lesson at upang pumunta na rin sa grocery. Di na ako sumama. Mas gusto kong magpukpok ng pako at kahoy. Dumating na rin ang pinakahihintay kong araw-- ang paglago ng damuhan. Ibig sabihin maaari na uli akong magmaneho ng paborito kong trak.

Ibinilin sa akin ni ate ang nakaharang na extension cord at ang electric saw. Baka masagasaan ko daw. Sabi ko itatabi ko na lang muna pagkatapos ko sa mga kahoy.

Pagkatapos ko sa mga kahoy, tinungo ko ang kinalalagyan ng extension cord at ng electric saw. Binaba ko ang hawak kong martilyo at isa-isa kong tinago sa garahe ang mga nakaharang sa damuhan. Binuksan ang pinto ng garahe upang mailabas ko na ang trak. Gulilat ako! Ngayon ko lang nalaman ang tagalog ng "excited"-- gulilat. Hayaan nyong paulit-ulit ko munang gamitin hanggang pati kayo ay masanay na rin. Gulilat ako. Isa sa mga paborito kong gawain dito ang magmaneho ng trak. Iikutin ko na naman ang malawak na damuhan.

Binabaan ko ang haba ng ititira ko sa damuhan mula sa ika-limang lebel tungo sa ika-apat. Nais kong malaman kung mas maganda ang kalalabasan kung mas maikli ang tabas ng damuhan. First lap, ayus! Nagustuhan ko ang kinalabasan kaya tuloy-tuloy na akong nagmaneho paikot sa malawak na damuhan.Hanggang...

"Ohhh... sh*t!"


Krrraaaaak!!!


Bigla sa isang tagiliran ng minamaneho kong trak, may tumalsik na piraso ng kaniyang katawan. Ang kaniyang ulo sa kabilang gilid ng trak tumalsik.

Patay ako! Teka, hindi ako ang patay. Siya! Siya ang patay at kasalanan ko ang lahat. Walang dugo. Internal bleeding kaya, meron? Wala din syempre. Pero alam ko patay na siya.

Naging maingat naman ako sa pagmamaneho ko. Isa lang ang naging pagkakamali ko. Naging makakalimutin ako sa sobrang ka-gulilat-an ko na magmaneho ng trak. Nakalimutan ko na bago ko tanggalin ang extension cord at ang electric saw sa damuhan, binitawan ko siya, ibinaba sa damuhan upang mabuhat ko ang extension cord at ang electric saw pabalik sa loob ng garahe.

Dumating sina ate at kuya.

"Nakapatay ako..."

Doon isinalaysay ko na ang kamatayan ng kauna-unahang martilyong nabili ni kuya dito sa bansang banyaga.

Bukas malamang ang libing. Dumating na mula sa Target ang kapalit niya.


No one has commented on this article.
Please keep your comments brief and on topic, and remember that this is not a discussion thread.
Name :
E-mail :
Website :
Comment(s) :
J! Reactions 1.09.00 • General Site License
Copyright © 2006 S. A. DeCaro
 
< Prev   Next >