Stop & Shout


MEMBER OF:



Get Paid Money to Blog


Na-assign ako sa PAL
Friday, 21 November 2008

Hindi pa ako pinapanganak noong kapanahunan ng "Great Depression". Ngunit iniwan ko at tinalikuran ang buhay ko sa bansang sinilangan sa mga panahong pakulo na ang isa pang depresyon sa bayan ni Uncle Sam.

Kung nasaan ang kumukulong tubig, doon ako nagtungo. Ang galing ng timing ng mga pangyayari sa buhay ko, noh? Ngayon, nasa aking harapan ang lalo pang tumindi na pagkulo ng tubig. Nagliliyab ang apoy, maraming kahoy na ang natutupok at walang makapagsabi kung kailan ito kakalma.

"... the market will get worsed," yan ang huling sabi ng aking employer sa huling palitan namin ng e-mails. Hindi ko iyon sineryoso. Kung may hindi magandang mangyayari kinabukasan, hindi ko magiging bukang-bibig iyon kahit na isampal na sa akin ang realidad nito. May magandang magaganap kinabukasan gaano man kalamig o kadilim ang gabi. Sisikat pa din ang araw. Yan ang aking paniniwala.

Marami na at dumarami pa rin ang nawawalan ng trabaho dito sa bayang aking kinasadlakan. Mapapalad ang mga nars at ang mga tulad nilang nagta-trabaho sa pagamutan. Marami mang nagsasarang hospital at nursing homes, marami pa ring oportunidad sa iba. Health is a necessity, ika nga.

Bakit nga ba hindi ko pinangarap maging nars o doktor noong bata ako? Madalas pag ako tinatanong noong ako ay nasa grade-school pa lang, kung ano ang pangarap ko maging paglaki ko, parati ang sagot ko, "Gusto ko po mag-madre..."-- kung sa anong kadahilanan at yun ang nasasabi ko noon, hindi ko na alam. Maaaring may "calling" ako sabi nila, ngunit maaari ring natuwa lang ako sa mga kasuotan ng mga madre noong mga panahong iyon, o kaya maaari ring "pressured" lang ako na iyon ang isagot ko (san ka pa? bata pa lang, may pressure na akong nalalaman!). Hindi ko talaga alam ang gusto ko. Malayo ang isip at puso ko ngayon sa pangarap kong magsuot ng habit ng mga madre. Hindi ko tinalikuran ang "calling" na magsilbi sa ibang nilalang ngunit hindi iyon ang daang tinahak ko.

Hindi ko sinasabing mas mahirap at mas makitid ang daang pinili ko. Ang tanging masasabi ko lang ay, "sa iba ako dinala ng kapalaran." Ang pagsisilbi sa kapwa ay hindi humihinto sa apat na sulok ng simbahan o kumbeto, o ng bahay-pagamutan. Maaring magsimula sa bahay ngunit hindi dapat magtapos sa bahay. Ito ang aking pananaw.

Nilisan ko ang ating bayan hindi dahil pakiramdam ko wala akong silbi sa sangkatauhan kundi dahil sa pag-aakalang may magagawa pa akong mas kapaki-pakinabang sa sarili ko, sa pamilya ko, at sa aking bayan.

Narito ako ngayon sa bayan na kung saan sabi ng karamihan ay ito ay isang bayang lahat ay posible (nakalimutan nilang banggitin ang posibleng pagbagsak din nito). Marami pa ring oportunidad dito sa kabila ng kabi-kabilaang pagsasara ng mga maliliit at malalaking kompanya. Yun nga lang, hindi na oportunidad ang kakatok sa pintuan ng karamihan. Ikaw na ang kakatok sa oportunidad at pasalamat ka na lang kapag ikaw ay pinagbuksan.

Ngayon, isa akong OFW. Isang OFW na naka-tengga. Nag-aabang sa kung ano mang oportunidad upang mabigyan ng hustisya ang layunin ko sa pagiging OFW.

Huwag mamasamain ninuman ang aking paglalahad ng katotohanan. Hindi ako nagmumukmok, hindi ako nagmamaktol sa aking kinahinatnan. Isa itong pagdo-dokumento sa maraming daang tinahak, tinatahak, at tatahakin ko. Hindi ko alintana ang kawalan ng sahod na minsang nailahad sa kontrata ko. Nakakahiya man sa aking sarili, sa pamilyang kumukupkop sa akin, at sa bayan ko, ay kailangan ko harapin ang bawat araw nang masaya at masigla na tila ba puno ito ng pag-asa. Tunay na mapalad pa rin ako at nakarating ako dito bago tuluyang matupok ng apoy ang mga kahoy na panggatong at lumamig ang tubig sa takure. Hindi ko kailangan ang malamig na tubig.

Konting luha't maraming dasal lang ang kapit ko habang wala pang pinto o bintanang nagbubukas sa aking pagkatok. Inaabangan ko ang mainit na tubig ko.

Tiwala ako na konting tiis na lang at konting panahon na lang ay iaahon na din ang takure mula sa nagliliyab na apoy upang isalin na ang kumulong tubig sa nakaabang na tasa ko. Mainit na kapeng barako man o tsaa, ito ang magsisilbing panulak sa bawat nguya at lunok ko.

Narito ako ngayon. Animnapung araw mula nang ako ay tumapak sa lupain ni Uncle Sam, heto ako sa ngayon. Isang OFW na na-assign sa sektor na tinatawag nating mga Pinoy na PAL. Masaya sa PAL. Masarap sa PAL. Enjoy ako sa PAL. Isang maikling kataga para sa salitang PALamunin.

Hindi ba't mas masarap ang paglamon kung ang panulak sa bawat lunok ay hindi lang ang laway mo?

Bigla akong nagutom. Tara nang samahan ako sa pagkain ng brownies with chocolate frosting na na-bake ko noong isang araw. Huwag mag-alala, may kapeng barako silang panulak dito.


No one has commented on this article.
Please keep your comments brief and on topic, and remember that this is not a discussion thread.
Name :
E-mail :
Website :
Comment(s) :
J! Reactions 1.09.00 • General Site License
Copyright © 2006 S. A. DeCaro
 
< Prev   Next >