Stop & Shout


MEMBER OF:



Get Paid Money to Blog


Minsan, Ako ay Nagpakabayani.
Monday, 15 September 2008
"Kapalan mo na mukha mo, tawagan mo na ang kakilala mo. Masanay ka na, ganyan talaga...", ito ang sambit ng isang kaibigan nang malaman niya na hapong-hapo na ako at nagkakasakit na sa ikatlong araw ng pagpunta ko sa POEA (Philippine Overseas Employment Administration).

Ako ay mangingibang-bayan bilang Overseas Filipino Worker-- OFW. Isa na ako sa mga tinataguring mga buhay na bayani ng ating bayan. Bayani. Isang napakabigat na salita para sa akin. Hindi madali ang aking mga tinahak na landas at pinagdaanang proseso.

Marahil nagawa ko nang walang kahirap-hirap at kapagod-pagod ang mga requirements ko sa POEA kung sa una pa lamang ay kinuha ko ang telepono at tinawagan ang isa sa kakilala kong may mataas na tungkulin sa naturang ahensya. Ngunit nais kong maranasan ang sinasabi nilang hirap at pagod, yun ang sabi ko sa mga kaibigan ko. Gusto kong maranasan nang ganap ang pagiging simpleng mamamayan--- walang kapit, walang tulong na inaasahan.

Minsan, bago ang inilaan kong araw, dumalaw ako sa POEA. Nasa kanto ito ng EDSA at Ortigas Ave.. Pinasok ko yun hindi upang masimulan na ang mga dapat kong gawin dito kundi upang ma-feel ko lang kung paano nga ba ang set-up sa loob.

"Para handa na ako pagdating ng takdang araw...", iyon ang sabi ko sa kaibigan ko.

Nang dumating ako sa loob, sinubukan ko na ring pumunta sa ikalawang palapag kung nasaan yung sinasabi nilang window na ibe-verify ang mga documents ng bawat manggagawa. Pinapasok naman ako ng guwardiya kaya akala ko ganun lang kadali.

Pagdating ko sa window 6, tinanong ako ng babae, "Nakapag-register ka ba?"

"Hindi po," ang tugon ko.

Doon pinaliwanag ng mabuting ale ang proseso. Bumalik daw ako kinabukasan bago mag-alas-otso ng umaga at mag-rehistro.

Ahhh... may cut-off pala sila. Mabuti. Para makasiguro na mahaharap nila ang lahat ng lumapit sa kanila.

Umabot ako sa cut-off kinabukasan. Nasa #55 yata ako sa listahan. Naupo sa waiting area nila na matawag ang pangalan ko. Binasa ko ang na-print kong procedure nila mula sa internet. Nakasaad dito na ang level 1 sa procedure nila ay magtatagal ng 30 minutos-- bawat tao.

Natawag ang pangalan ko pasado ala-una na ng hapon.

Mainit sa waiting area. Walang aircon. May malaking electric fan ngunit malas mo pag may mga taong walang modo at walang pakialam na haharang na lamang sa hangin na dapat ay para sa lahat. Mas malas ka kapag ang tumapat dito ay may anghit o amoy na masangsang-- masakit na sa ilong, masakit pa sa ulo. Maraming beses din ako na muntikan nang magparinig at magsabing, "Ang baho naman!"

Maingay sa waiting area. Para kang nasa palengke. Sabay-sabay na nagsasalita ang mga tao. Iba't-iba ang punto, iba't iba ang usapan. Pero aliw ako sa mga ganung bagay. Mahilig akong mag-obserba at magmuni-muni sa mga ganong pagkakataon. Pinag-aaralan ko ang bawat galaw at reaksyon ng mga tao.

May mga nagre-reklamo. May mga nakikipag-kwentuhan sa di nila kakilala at pagtayo ng isa ay kukutyain siya nang di niya nalalaman.

Marahil sa akin, walang nakapuna. Pero kailan ba walang napuna ang mga Pinoy?

Nakaupo lang ako, hawak ang aklat na baon ko. Tahimik na nagmamatyag paminsan-minsan. Nakatulog pa nga ako sa sobrang tagal ng paghihintay sa pagtawag sa pangalan ko. Minsan tatayo upang bumili ng mangangata sa maliit na tindahan sa pangalawang palapag. Masarap ang polvoron nila at peanut brittle.

Natuwa at nakahinga ako ng maluwag nang marinig kong tawagin ang pangalan ko. Sa wakas!

"Nasaan ang employment contract mo?" ang sambit kaagad sa akin ng ale sa window 6 nang iabot ko sa kanya ang lahat ng papeles na pinadala sa akin ng employer ko. Makailang ulit niyang inisa-isa ang mga ito ngunit wala ang hanap niya.

"Sabihin mo sa employer mo magpadala ng kahit scanned employment contract tapos ibalik mo sa akin. Kapag umabot ka bago mag-alas singko ng hapon ngayon, sa akin ka na dumerecho. Pag hindi, pipila ka uli kinabukasan."

"Ay ganun?! Back to zero ako bukas?"


Ganun na nga ang nangyari. Tulog na ang employer ko nang hapong iyon. Gabi kasi sa kanila nang mga oras na iyon. Heto pa, pagkabigay sa akin ng contract, walang pirma! Dinala ko na din uli kinabukasan para lang maipakita sa ale sa window 6 na naging maunawain naman. Mas maaga natawag ang pangalan ko sa pangalawang araw ko sa POEA.

Alas-onse.

Binigyan na niya ako ng go-signal na kumuha ng medical exam at magpa-schedule ng Pre-Departure Orientation Seminar o yung PDOS na tinatawag nila para sa mga OFW. Basta mangako lang daw ako na pagbalik ko, kumpleto na ang requirements ko. Laking pasasalamat ko sa kanya. Si Ms. Jenny ng Window 6.

Bumalik ako sa POEA para sa PDOS ko. Isang nakakaaliw na karanasan para sa akin kasi first time kong mangingibang bayan at first time kong sasakay sa eroplano. Nakakaaliw din pakinggan ang mga komento ng ibang taong nakapangibang bayan na. Mga patotoo ng ibang taong bihasa na sa larangan ng pagpapakabayani sa ibang bansa.

"Ang iba sa inyo, aalis para bumuhay ng pamilya. Ang iba aalis para bumuhay ng asawa dito sa Pilipinas. Sana yan lang ang isipin nyo habang nandoon kayo. Ang iba kasi may nahahanap na na ibang pamilya o asawa pagdating doon..." yan ang sabi ni Miss Oyette, ang babaeng nangasiwa ng orientation namin. Hindi man ako maka-relate ng full-blast eh naunawaan ko ang kanyang sinabi. Hindi ako manhid at mangmang sa buhay na ganun.

Matapos ang PDOS, inasikaso ko naman ang medical exam ko. Isang buong araw din ako sa loob ng clinic.

Medyo nagkasakit ako kaya hapong-hapo na ako nang matapos ko ang lahat ng requirements ng POEA. Ngunit pinilit ko nang matapos para mabawasan na ang mga dapat kong gawin. Maraming oras ang kinakain ng pag-aasikaso sa POEA. Nakakapagod. Nakita iyon ng mga kaibigan ko. Pilit nila akong pinagtutulakang i-dial na ang telepono ngunit matigas ang loob ko. Nais kong pagdaanan ang hirap. Muli ang sabi ko.

Sa Window 9 na ang derecho ko nung huling araw ko sa POEA. Hawak ko na ang lahat ng requirements nila pati na ang resuta ng medical exam ko at ang kontrata ko na may pirma na ng employer ko at isa pang dokumento na galing sa POEA na kailangan pirmahan ng employer ko. Nagtaka na nga yata ang employer ko. Mas mahigpit pa ang POEA kesa sa kanila.

Ms. Jenny uli ang pangalan ng babae sa window 9. Ibang Jenny naman ito.

"Hmmm... parang magkaiba ang stroke ng pirma ng employer mo sa document na ito laban sa ibang document,"
ang sabi niya.

"Uh-ohhh... heto na naman tayo," ang sabi ko sa sarili ko. Hinang-hina na ako ng mga oras na iyon. May karamdaman pa kasi ako ngunit pinilit ko na tapusin na ang mga dapat kong tapusin.

Pinapunta niya ako sa loob ng opisina nila at pinakausap sa tinatawag niyang big boss. Hinang-hina man at sobrang pakiramdam ko naubos na ang dugo ko sa katawan sa pagod, nakangiti pa din akong humarap sa kanila.

"Drop a name na. Sobra na yang pagod at hirap na ginugol mo diyan sa POEA," ang sabi ng kaibigan ko nang ipaalam ko ang nangyayari.

Ngunit hindi pa din ako natinag. Sinimulan ko ito, tatapusin ko din ito nang ako lang. Ang sabi ko sa sarili habang naghihintay matapos ang usapan ng big boss sa isang OFW.

"Saan mo ba nakuha yan? Gumagamit ka ba ng madaming babae?"

Na-shock ako sa tanong ng big boss sa katabi kong lalake. May problema yata siya sa resulta ng medical exam niya kaya di siya mabigyan ng clearance.

Nagtengang-daga na lamang ako. Haay buhay.

"O ikaw naman, ano ang sa atin?"
bigla ako naman ang hinarap ng big boss. Naaliw ako sa kanya. Natawa. Pinakita ko ang mga tinuping papel ni Ms. Jenny sa kanya.

Tinawag nya yung Jenny sa window 6 at pinaulit na i-verify ang pangalan ng employer ko. Nagtagal din ako ng ilang minuto sa kanila.

"O sige na nga, alis ka na." biglang sabi ng big boss.

"Ganun na lang po? Okay na po?" ang tanong ko.

"Oo," ang sabi niyang tatawa-tawa.

Natawa ako sa kaniya. Nakahinga din ako ng maluwag. Natuwa ako sa POEA.

Isa sa mga dahilan kung bakit ako nanindigan na huwag humingi ng tulong sa aming kaibigan sa loob ay dahil natutuwa ako sa bait ng mga taong nanunungkulan sa loob ng POEA. May mga ibang suplado pero para sa akin tolerable naman. Para sa akin, nakita ko na kapakanan lang naman talaga ng mga taong magpapaalipin sa ibang bayan ang nais nilang masigurado.

Dugo't pawis. Maaari madami akong naubos sa kanila kasama na ang oras ko na sabi ko nga halos magtayo na lang ako ng tolda sa loob para doon na manirahan. Ngunit para sa akin, isang adventure ang aking pinagdaanan. Isang adventure na ayaw ko nang maulit pa. Tama na ang isang beses na pagpapakabayani ko sa loob ng POEA noh! *hehe*


No one has commented on this article.
Please keep your comments brief and on topic, and remember that this is not a discussion thread.
Name :
E-mail :
Website :
Comment(s) :
J! Reactions 1.09.00 • General Site License
Copyright © 2006 S. A. DeCaro
 
< Prev   Next >