| Kuwento ni Lola. |
| Friday, 20 February 2009 | |
|
Noong nabubuhay pa ang lola ko, madalas akong makinig sa mga kuwento niya tungkol sa kabataan niya. Hindi nga lang kuwentong pag-ibig, kundi kuwentong giyera. Naabutan niya ang panahon ng mga Hapon sa Pilipinas. Naroon at naranasan nilang maghukay at magtago sa ilalim ng lupa o sa kweba para lang maging ligtas sila. Naroon ang takot at ang kaba. Kausap ko ang isang kaibigan kamakailan lamang. Sa aming kuwentuhan nabanggit niya ang naging karanasan niya nang sinubukan niyang makipagsapalaran sa bayan ni Uncle Sam. Isang kakaibang giyera.
Araykupu! Nagrereklamo ako dahil hanggang ngayon nakikitira pa din ako at umaasa sa pamilya ng kapatid ko. Lubhang nahihiya na ako. Malaki na ang abala ko dito. Kahit sabihin nating kadugo ko ang kasama ko, hindi na ako bata para umasa pa sa kanila. At mas lalong hindi na ako bata para mamuhay nang ganito. Kung kailan ako tumanda, doon pa ako umasa sa iba. Grrr... Ngunit ang tangi kong magagawa ay kumuha ng lakas sa iba sa tuwinang ako'y manghihina. At heto na ang mga salitang kumurot sa aking damdamin. Mapalad ako. Yun lang ang kanyang mensahe. Alam ko, mapalad ako. Mapalad ako maraming anghel sa paligid ko. Salamat sa pamilyang sa akin ay kumukupkop at pilit na umuunawa sa akin kahit na minsan masakit na ako sa mata kasi para na akong istatwa na pahara-hara sa daan, salamat sa mga kaibigang sa akin ay nag-aaruga. (Kung gamot ako baka na-overdose na sina Kuya sa akin). *hehe* Bigla, nawala ang atensyon ko sa sitwasyon ko. Napawi ang hirap na nararamdaman ko. Ang lungkot ay nanatili ngunit hindi para sa aking sarili. Sa loob ng apat na taon, dalawang beses lang siya nakakain sa McDo? Tapos na iyon. Napagdaanan na niya iyon. Pero para akong nasabuyan ng kung ano at naiyak na lang ako. Sabihin na nating maraming tao ang naghihirap. Maraming tao na sa tanang buhay nila ay hindi pa nakakakain sa McDo. Pero hindi siya ibang tao. Kaibigan ko siya. Malapit sa aking puso. Hindi ko matanggap na pinagdaanan niya ang mga iyon. Paulit-ulit kong binasa ang mga katagang sinabi niya sa akin. Hindi ko lubos na maisip, ayaw tumuot sa aking kukote na tunay na nangyari sa kaniya ang mga bagay na sa teleserye ko lang napapanood o sa tagalog pocketbooks ko lang nabasa. Hindi ko lubos na matanggap na isa siya sa dumaan sa hirap na ganun. Kaya kong tanggapin na nangyari iyon sa ibang tao. Pero di ko pa din lubos na maisip na nangyari iyon sa isang kaibigan. Nasaan ako noong mga panahong iyon? Kung sabagay, wala din naman ako magagawa kung saka-sakali. Wala pa ako sa bayan ni Uncle Sam noong kasagsagan ng gyera ng buhay niya. Tapos na ang digmaan. Marami na ang napalaya. Ngunit tulad ng lola ko, balang araw uupo ako sa tumba-tumba at magkukwento din ako. Hindi ng mga panahong naghukay ako at nagtago sa ilalim ng lupa, kundi ng mga panahong sumugod ako sa gyera ng aking panahon na ang laman lang ng pitaka ko ay $35 at mga quarters na pabaon ng aking mga kaibigan. Wala akong makitang kaibahan sa gyera noong panahon ng lola ko sa gyerang kinakaharap ng bawat isa sa atin sa kasalukuyang panahon. Maaaring noon umiilag ang tao sa balang maaaring kumitil sa buhay ninuman, ngayon ang tao ay umiilag sa maraming bagay, higit pa sa bala at kanyon, na maaaring kumitil sa kanyang pagkatao. Noon, sa ilalim ng lupa pwede kang tapak-tapakan ng mga gerilyang walang pakialam. Hangga't hindi ka nila nakikita, patuloy ang paghinga. Ngayon, sa ibabaw, pwede kang tapak-tapakan ng mga taong walang pakundangan. Makapigil-hininga ang bawat galaw nila. Pwede kang lumaban ngunit hindi lahat ay iyong kalaban. Problema lang, may mga taong akala mo ay iyong kaibigan. Sa una akala mo sila'y iyong maaasahan. Hindi mo na malalaman ang mangyayari sa bandang huli, gawa nang pinatay ka na ng iyong maling akala. Hay layp. Nasaan na ba ang lola ko? Mas gusto ko ang kwento niya tungkol sa gyera noong panahon ng Hapon. Mas madugo, mas nakakatakot ngunit madali mong makikilala kung sino ang kalaban. Hindi mo kailangang mangapa. Hindi mo kailangang makinig sa kanilang mga yabag. Panoorin mo lang sila kung paano sila maglakad. Makikilala mo sila agad. At pag nakilala mo na, alam mo na agad kung ano ang susunod mong hakbang. Takbo sa kuweba, madali! Salamat. Katulad ng ating bayan, malaya na ang aking kaibigan. Baon niya rin sa kaniyang pagtanda ang kakaibang kwento ng giyera. |
| < Prev | Next > |
|---|



I am Mae German. 32 years old. Born in Mangatarem, province of Pangasinan. I was taught and trained by 




