Hindi ko pala mami-miss si Reno.
Saturday, 22 November 2008

Bata pa lang ako, dikit na kami ni Reno.
Masarap siya kasalo sa hapagkainan.
Almusal, tanghalian, hapunan, o maging sa meryenda.
Ano mang oras niya mapag-trip-ang lumabas, lalabas siya.
Magpapakita, magpaparamdam.
Ako naman, susunggaban ko siya
na para bang ang tagal naming hindi nagkita.

Kahit noong nasa Maynila na ako,
hindi ko akalaing masusundan niya ako.
Hindi ko siya hinanap.
Kusa siyang dumating.
Doon ko natikman ang pan de sal na mainit na may butter
na mas pinasarap kasi kasalo ko si Reno.

Nang nilisan ko ang bansa
Aking inakala na makakalimutan ko na rin si Reno.
Nagkamali ako.
Mukha na akong sira kung sa tingin nyo,
pero hinanap ko siya nang minsang isinama ako ng hipag ko
sa isang Filipino store dito.
Aba! Malay ko baka may kamukha siya dito, di ba?
Umuwi akong walang kasamang Reno noong araw na iyon.

Soulmate searching ba ito?

Muli, natanim na sa isipan ko na hindi na kami magkikita ni Reno.
Magkakalimutan na kami.

Hanggang isang araw, aking ikinatuwa.
May kasama si Ate.
Sino pa nga ba?--  si Reno!
Muli, hindi ko siya hinanap.
Kusa siyang dumating sa akin.

Soulmate nga siguro kami ni Reno.
Yun ang tumatakbo sa isipan ko kanina
Habang ninanamnam ang tustadong pan de sal na may butter.
Syempre pa, kasama ko na uli si Reno.
Sabay naming nilagok ang inihanda kong mainit na kape.

Ahhh... si Reno.
Sa tagal ng paninirahan ko sa Pilipinas,
siya lang ang natatanging liver spread na nakilala ko.

Hindi ka yata Pinoy kapag hindi mo siya kilala.

No one has commented on this article.
Please keep your comments brief and on topic, and remember that this is not a discussion thread.
Name :
E-mail :
Website :
Comment(s) :
J! Reactions 1.09.00 • General Site License
Copyright © 2006 S. A. DeCaro
 
< Prev   Next >