|
Thursday, 01 May 2008 |
|

Ang larawan ay may katumbas na higit sa isang libong salita. Di na natin kailangan lagyan ng libelo o ng deskripsyon sapagkat ang larawan ay kusa nang mangungusap sa atin... mga tagamasid.
Ngunit huli na, umandar na ang aking isipan at ang aking emosyon. Ako ay napaiyak na nang makita kong muli ang lumang larawan ng aking mahal na aso, si Cubby. Isa iyan sa mga huling kuha ko sa kanya bago sya pumanaw at tumungo sa tinatawag nila sa Ingles na Dog's Heaven noong Marso ng nakaraang taon. Malalim ang aming pinagsamahan ngunit kami ay nagkahiwalay sa madaming kadahilanan. Nang makuha ko siya muli, may sakit na siya at huli na ang lahat. Ayoko nang balikan ang nakaraan na iyon. Alam ko, kaya niyang lumaban ngunit ang di niya kinaya ay ang lungkot ng aming pagkakalayo. Alam ko alam niya kung gano ko siya kamahal ngunit magpasahanggang ngayon, masakit pa din sa akin ang mga nangyari sa kanya. Marapat na ako ay inyong pahintulutan, ihihinto ko na ang pagtipa sapagkat ako'y lubhang apektado pa rin ng kanyang pagkawala. Isang patunay na kumpara sa sugat sa kalamnan, mas malalim at mas masakit ang sugat na dulot ng kalungkutan, sa tao man o sa ibang nilalang. Mahalin nyo sana ang inyong mga alagang aso.
Si Cubby... hinding-hindi ko siya malilimutan. [tignan ang ibang lahok sa LP...]
|